Friday, April 18, 2008

Little Prince sa 'Pinas

Disyembre 30 sa Luneta, nakilala ko ang isang Rizalista.
“Bakit may dala kang bulaklak ?”
“Para ito sa aming tagapagligtas.”
“Ang sabi ng babae sa simbahan, yung duguang lalake sa krus ang tagapagligtas nyo, hindi nya kamukha yun.”
“Iba si Rizal, aming pambansang bayani!”
“Paano?”
“Sumulat sya ng mga nobela.”
“Tapos bayani na sya? Sinong nagsabi?”
“Mga Amerikano.”
“Pilipino kayo ‘di ba? Bakit ganon?”
“Ganon talaga noong araw.”
“Iba ang itsura nya sa inyo.”
“Hindi kasi sya purong Pilipino.”
“Nanggaling din sya sa ibang planeta? Napakataas nya!”
“Ganon sya kahalaga sa bayan.”
“Ang swerte nya dahil sya ang napili nila.”

Barber Joe

Have no fear! Nandito na si Barber Joe! Ang superhero na lumalaban gamit ang kwentong barbero! Hasta La Vista, Espana! Suckers!

Divide and conquer ang aking strategy. Susunod na misyon? Humanap ng sidekick na kakatawan sa kabayanihan. Si Bonifacio kaya? Masyadong radikal, pain in the neck. Si Mabini? Who am I kidding! Ah, Rizal! Ehemplo ng karunungan, kapayapaan at kaayusan. How he got shot in Bagumbayan by the evil Spanish can be used to our advantage.

Kahit wala na, magsisilbing alaala sya ng isang mahinahon at edukadong indibidwal na hindi lumalaban ng patayan. Tutularan ng kabataan. Perfect for Uncle Sam!

American Idol

Andy, you sang “Pag-ibig sa Tinubuang Lupa”. All judges think you’re too aggressive and frustrated. JR, you sang “Adios Patriata Adorada”. Paula and Randy thought you’re sincere and deep.

“Palagay mo Simon, sinong mananalo?” “I think JR will win. He has the personality, the talent, the brains, plus he looks smart in that suit. No offense Andy.” “Wow, JR anong masasabi mo?” “Bilang isa sa dalawang Pilipino na natitira, natutuwa ako sa pagkilala ng mga tao. Natupad na ang pangarap kong magperform sa harap ng maraming tao dito sa Luneta kung saan nagaganap ang finale.” And now AMERICA has decided.

Prop JR!

Sinong kukunin mong PI100? Mag-prop JR ka, okay s’ya. Mahirap nga lang magpa-exam kasi ang lalim mag-isip. Ang daming readings. Pero marami ka talagang matututunan, tsaka ‘di nangbabagsak. More on applications ang tinuturo n’ya kasi gusto daw n’yang ma-put into practice ang mga inaaral sa klase. Wala na raw kasing inatupag ang mga kabataan kung hindi magtxt. Secret lang, pero may fetish yun sa piso. Nahuli nga namin s’ya minsan sa cr kinakausap at hinahalikan si Rizal sa piso. Tuwing December 29 ng gabi, sinasamahan daw n’ya matulog ang bestfriend n’ya sa Luneta. Akala namin kung sino—si Rizal pala.

Rizal vs. Piolo

Matindi ang debateng kinalahukan nina Rizal at Piolo. Si Mareng Winnie man ay natameme. Sa paramihan ng babae, patas lang ang dalawa. Sa patalinuhan, taob ang heartthrob na si Piolo, ngunit sa pagwapuhan nag-text voting ang bayan at natalo si Rizal.

Tinapos ang pagtatalo sa special episode sa Luneta. Naiirita na si Piolo nang bumirit ito ng version n’ya ng “Kailangan Kita”. Alam n’yang mas magaling syang mang-aawit sa katunggali. Ngunit nang itaas ni Rizal ang piso napanganga sa pagkabano ang mga tao. “Duchess of York, bongga!”, nadulas na pagkasabi ni Piolo. “Waith! Bakit alam mo ang term na yon? Sisterette?”

Unang Dagok ng Kamatayan

Tumakbo ako sa likod ng bahay kung saan nakahiga ang naghihingalong si Polgoso. Nang makita ko ang dugong kalalabas lamang sa kanya tinaningan na siya ng aking tiyo. Kasabay kong lumuluha ang aking alaga.

Pumasok ako sa loob ng bahay at naghanap ng papel at panulat. Isang palara at bolpeng nagtatae. Pwede na ‘yon. Sumulat ako kay Polgoso at nangakong ang susunod naming tuta ay papangalanan ko ng kagaya ng sa kanya.

Grade 4 ako noon. Ngayon, tuwing uuwi ako galing Maynila, kung makatahol ang mga aso namin ay para nila kong papatayin. Hindi na nila ko kilala.

Saturday, April 12, 2008

Suko

“Alis na po ko ‘nay”.

“Ayan, dyan ka magaling, sa lakwatsa…sa barkada! Kahit kailan masama talaga ‘yang ugali mo ! Wala ka ng pag-asa.”

Sinundo ako sa bahay ni Bok. Matirik ang araw kahit pahapon na ngunit pinilit ko pa rin syang samahan ako sa mall. Napadaan kami sa isang tindahan para magyosi, pamparaos lang, mahaba rin ang nilakad namin.

“Pare, dami nating pera ah! Magpainom ka naman!”

Isang lukot na isang daang piso—pambili ng isang synthetic na wallet. Kaarawan ni inay bukas at napansin kong sirang-sira na ang pitaka nya.

“Sige, isang Emperador... Kina Allan na lang tayo.”